Huling Himutok

1.

Wala kang pakialam kahit balde-baldeng luha na ang iniiyak ko
Kahit pa yata ipa-billboard ko lahat ng mga tula kong isinulat
Hindi mo, hindi mo ako pipiliin.

2.

Gusto kong dumating ang araw na magsisisi ka
Na hindi ako ang pinili mo
Na hindi mo ako ipinaglaban
Na hindi mo ako minahal nang walang kondisyon
Na pinakawalan mo pa ako kahit ako na ang nagkukumahog na tanggapin mo ako

3.

Nasasanay na akong
Di ka nagpaparamdam
Nasasanay na ako sa
Kawalan mo ng interes

Nasasanay na akong
Mag-isa dito
Inaaliw ang sarili
Sa pagbabasa ng mga nobela

Nasasanay na ako sa mga taong
Dumadating, natutuwa sa ngiti ko
Magpaparamdam ng paghanga
Magsasambit ng mga papuri

At nasasanay na rin ako sa kanilang
Unti-unting pag-iwas, paglayo
Dahil komplikado pala ako
Mahirap ipaglaban at panindigan

Nasasanay na akong makipaglaro
Mamangha sa kababawan nila
Makipag-patintero sa pangangapa nila
Kinikilatis ang kanilang intensyon

Bakit ba hindi ka manatili?
Bakit ba isa lang ako sa mga pinagpipilian mo?
Bakit ang hirap mong angkinin?
Bakit ba hindi maging sapat sa’yo na mahal na mahal kita?

4.

Kinakalmot ko na ang sarili ko
Baka sakaling matauhan na ako
Kapag may mga bakas na ng dugo sa balat ko

5.

Hindi ito ‘yung istoryang hahanapin ng lalaki ang babae sa terminal ng bus o tren, hahabulin ang paraluman, yayakapin nang mahigpit.

Hindi ito ang kwentong magugulat na lang ang babae na nasa harap ng bahay niya ang lalaki, parang basang sisiw sa ilalim ng buhos ng ulan.

Hindi ito ang pelikulang kung saan ang lalaki ang nagmamakaawang hindi umalis ang babae.

Hindi ito ang nobela ng paghihintay sa kabila ng distansya, kawalan ng komunikasyon, at ng kaimposiblehan. Na lahat ay nakaasa sa ideyang magtatagpo silang dalawa basta maghintay sila.

Sori ha? Sori, Miss. Sori kung ni isa man dyan ay hindi magiging istorya, kwento, pelikula, o nobela ng buhay mo.

6.

Ganyan ka e, ano?
Kaya mo akong tiisin
Kaya mong magpakalayo-layo
Kahit alam mong basag na basag na ako dito
Kaya mong mamili na parang okey lang ang lahat
Na parang wala kang naaapakang damdamin
Ganyan ka ba talaga?
Wala na ba talaga akong halaga sa’yo?
Wala bang bigat ang mga salitang buong-ingat kong hinabi para sayo?
Wala na bang kwenta ang lahat ng pinagsamahan natin?
Ganun na lang ba ako, isang “minahal kita”?
Na ipapagtabuyan na parang kuting
Ipapasa sa iba na parang papel
Ganun na lang ba akong kadaling palitan sa buhay mo?

7.

Napapagod na akong umiyak
Pwede bang makasama na lang kita?

8.

Ayaw kong bumangon
Ayaw kong lumabas ng bahay
Ayaw kong gumuhit at magpinta
Ayaw kong kumain
Ayaw kong manood ng telebisyon
Ayaw kong mag-Facebook
Ayaw kong mag-text
Ayaw kong makipag-usap kahit kanino

Gusto kong magpakalayu-layo
Siguro isang taon sa malayong lugar
Na walang nakakakilala sa akin
Gusto kong kalimutan muna na may mga pangarap ako,
Mga responsibilidad, pamilya at mga kaibigan
Gusto ko lang mapag-isa
Ubusin lahat ng mayroon sa sistema ko
Na may kinalaman sa’yo
Gusto kong maramdaman lahat ng sakit na pwede ko pang maranasan
Sa pagtanggap sa puto’t kutsintang katotohanan na yan
Na kahit ano pang gawin ko ay hindi na mababago kailanman
Ang desisyon mong umalis na parang wala lang
Gusto kong isampal sa sarili ko ang katangahang taglay
Ng ulila kong pusong nag-aabang pa rin sa’yo na parang bata
Nagpapahiwatig na sa kabila ng lahat, mayroon ka palaging mababalikan sa akin.

9.

Gusto kong pumunta sa isang kwarto
Humiga nang nakalutang sa dagat ng luha ko
Gusto kong iiyak lahat ng pwede ko pang iiyak
Mga luha ng pangungulila ng noon, ngayon, at bukas
Gusto kong ibuhos na ang lahat para wala nang susunod pa
Para wala nang susunod pang pagtawag sa pangalan mo
Paghahanap sa’yo sa mga sulok ng isipan ko
Pananabik na makita at mahawakan ka muli
Naaawa na ako sa pagiging ulila ko
Nakahahabag na ang pagkapit ko pa
Kahit na ikaw na ang mismong nagsabi, pinili
Na maging nakalipas na alaala na lamang
Ang pagmamahal na inaasam-asam ko

Nakakatawang isipin, kayhirap tanggapin
Na wala kang sagot sa tanong kung bakit siya ang pinili mo
At hindi ako, hindi tayo
Na kung uungkatin lamang nating dalawa
May sagot naman… Mayroong kasagutan—
Hindi mo kaya, ayaw mo, at hindi ka handang
Ipaglaban ako, panindigan ang inamin mong pag-ibig.
Napapagod akong maghintay na darating ka sa puntong
Magagawa mo ang pinapangarap ko.
Pagal na ang puso ko na ipaglaban ka at ang lahat ng mga tulang ito
Hindi dahil nakakapagod ka (sa halip, hindi kita pagsasawaan)
Hindi dahil hindi ka sapat (sa halip, nag-uumapaw ka sa buhay ko)
Kundi dahil ikaw mismo ang ayaw lumapit,
Ayaw makitagpo sa akin sa gitna ng laot.

Sino ba ang karapat-dapat sa akin?
Bakit ayaw mong sikapin maging siya?
Bakit tila ang lupit ng tadhana, ng buhay?
Pinagkakaisahan tayong dalawa.

10.

Nakakamatay din pala ang pangungulila
Ang pagkadismaya sa pag-ibig na ayaw suklian
Malakas at masarap ang simoy ng hangin
Pwede na ba akong tumalon mula dito sa kinatatayuan ko?
Hindi ako marunong lumangoy
Lulubusin ko na ang pakiramdam ng pagkalunod
Ng paglubog, ng paghabol sa huling hininga ko

11.

Gusto kong magmura, isigaw ang lahat ng hinagpis
Hindi galit kundi pagkabigo
Basag na basag, walang gana sa buhay
Puro lungkot at pangungulila
Hindi ko alam paano mo natitiis na nagkakaganito ako


© preciousjemwrites

Advertisements

One Reply to “Huling Himutok”

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s